5 siyudad sa Visayas at Mindanao, COVID-19 ‘areas of concern’ – OCTA Research

Limang lungsod sa Visayas at Mindanao ang tinukoy ng OCTA Research Group bilang “areas of concern” dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ito ay kasabay ng patuloy na pagbaba ng daily COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).

Batay sa OCTA Research, nakapagtala ang Davao City, Bacolod City, Iloilo City, Cagayan de Oro at Tacloban ng mataas na growth rate ng mga bago kaso mula Hunyo 15 hanggang 21.


Bagama’t nakitaan ng pagbaba ng mga bagong kaso sa Iloilo City, Bacolod, Cagayan de Oro, Dumaguete at Butuan, maituturing pa ring mataas ang mga ito.

Nananatili rin sa critical level ang hospital bed occupancy sa Iloilo, Cagayan de Oro, Tuguegarao, Dasmariñas, Butuan, Tacloban, Roxas City at Polomolok, South Cotabato.

Nasa critical level din ang utilization rate naman ng intensive care units (ICU) ng Davao City, Iloilo City, Cagayan de Oro, General Santos, Tagum, Cotabato City, San Pablo, Koronadal, Batangas City at Santa Rosa, Laguna.

Ikinababahala rin ng OCTA ang pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 sa Calumpit sa Bulacan, Cotabato City, Tagum, Cebu City at Tacloban.

Facebook Comments