Inirekomenda ni BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co sa gobyerno ang paglalatag ng 5-year vaccination plan laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Co, kung walang sapat na pondo para bakunahan ang 109 million na mga Pilipino sa bansa sa 2021 at 2022, ay maaaring ikonsidera ang 5-year vaccination plan para rito.
Pinayuhan ng mambabatas ang Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Health (DOH), at Department of Science and Technology (DOST) na ikonsidera rin munang unahin sa COVID-19 vaccination ang mga epicenters ng pandemic kabilang ang Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao at iba pang lugar.
Ang pagprayoridad muna sa mga residente sa urban areas ay makatutulong upang ma-maximize ng husto ng pamahalaan ang limitadong resources.
Naniniwala rin si Co na kung uunahin ang mga pandemic epicenters ay magiging sapat ito para ma-contain at makontrol ang pagkalat ng Coronavirus Disease.
Giit ng kongresista, ang ‘end goal’ ay mabakunahan ang lahat ng mga Pilipino sa bansa ngunit ito ay hindi magagawa sa loob lamang ng dalawang taon kaya kailangan na maisaprayoridad ang alokasyon at alamin ang dapat na unahin upang tuluyang mapababa ang kaso ng sakit.