50-anyos na lalaki sa China, nagpasok ng igat sa puwet para umano makadumi

(Pinterest)

Muntik nang ikamatay ng isang lalaki sa China ang pagpasok niya ng igat sa kanyang puwet bilang isa umanong katutubong lunas para sa nararamdamang “constipation.”

Sa pahayag noong Hunyo 19 ni Doctor Li Jian mula Dongguan Huangjiang Hospital kung saan isinugod ang 50-anyos na lalaki, may habang 15 pulgada ang nakuha nilang igat mula sa bituka nito.

Sa likot umano ng naturang hayop, nagkaroon na ng butas ang bituka ng pasyente na nagdulot ng severe sepsis at nauwi sa septic shock.


Bago pa man madiskubreng igat ang nasa loob ng katawan ng lalaki, hindi umano nila malaman kung ano ang nasa abdominal cavity nito bagama’t una nang nakita sa CT scan na mayroong kakaiba sa loob ng tiyan ng pasyente.

Dito na raw sila nagsagawa ng colonoscopy, isang test para matuklasan ang kakaibang pagbabago sa large intestine ng isang tao– kung saan nalamang isang Asian swamp eel ang nasa tiyan ng lalaki.

Agad na sumalalim sa operasyon ang pasyente kung saan tumambad na puno na ng dumi mula sa igat ang tiyan nito na nauwi sa matinding impeksyon.

Tagumpay namang nakuha ang igat at sa mga pagkakataong iyon ay patay na ito.

Nang makausap daw nila ang pasyente matapos ang surgery, isinawalat nito na sadya niyang ipinasok ang buhay na igat dahil nakakaranas umano siya ng constipation o hirap sa pagdumi.

Ginawa niya raw ito bilang katutubong lunas sa kanyang nararamdaman.

Nag-iwan naman ng paalala sa publiko si Dr. Li tungkol sa nakakagawiang “folk remedy” ng mga residente sa China.

Nito lamang Enero ngayong taon, isa ring pasyente mula Nanjing ang nakuhanan ng dalawang igat sa tiyan matapos niya itong lunukin ng buo sa pag-aakala ring makagagamot ito sa kanyang constipation.

At ngayon ding buwan ay isa rin ang nabiktima ng pekeng lunas at nag-iwan din ng banta sa kanyang buhay.

Facebook Comments