Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na pwede na ang hanggang 50% capacity sa limited face to face classes ng degree programs sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, may go signal na ito mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Pero bago payagan ang muling pagbubukas ng klase, kinakailangan munang:
Bakunado ang mga estudyante, faculty members at empleyado ng paaralan o di kaya ay mataas ang kanilang vaccination rate.
May go signal mula sa kinabibilangang LGU para sa muling pagbubukas ng paaralan.
Ang mga gagamiting pasilidad ay retrofitted o nainspeksyon ng otoridad bago gamitin.
Kasabay nito, nanawagan si de Vera sa lahat ng universities, colleges at Higher Education Institution (HEI) na palakasin pa ang pagbibigay-kaalaman sa mga magulang at estudyante tungkol sa benepisyong makukuha sa pagpapabakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon, nasa halos 1 million estudyante na ang nabakunahan na katumbas ng 30% ng higit 3 milyong estudyante sa buong bansa.