Kasunod nang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa, patuloy ang panawagan ng business sector na itaas ang kanilang capacity venue.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na inihihirit ng iba’t ibang sektor katulad ng mga restaurant, spa, salons at iba pa na itaas ang capacity basta’t fully vaccinated ang mga customer.
Paliwanag ni Concepcion, ngayong 4th quarter ng taon ay dito babawi ang mga nalugi na negosyo na isinara sa mga nakalipas na lockdown.
Aniya, kapag mga ganitong buwan o panahon kasi ay tumataas ang consumer spending dahil sa Christmas season isama na ang election spending.
Paliwanag pa ni Concepcion, mahalagang mabawi ng mga negosyante ang kanilang nalugi nang sa ganon ay mabayaran ng mga ito ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
Ngayong nasa 30% ang store capacity ay hindi aniya ito makasasapat upang mabawi ang pagkalugi ng mga negosyo at upang bayaran ang 13th month pay at iba pang benepisyo ng mga empleyado.