Pasado na sa Kamara ang panukala na magbibigay ng diskwento sa ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa botong 224 na pabor at walang tutol, inaprubahan ng mga kongresista sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7952 na layong protektahan ang perang ipinapadala ng mga OFWs sa kanilang mga pamilya sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 50% discount sa charge ang OFWs para sa padalang pera sa pamamagitan ng bank at non-bank financial intermediaries.
Para naman sa mga bangko at non-bank intermediaries na magbibigay ng diskwento, maaari nila itong i-claim bilang tax deductions.
Maaari itong ibawas mula sa gross income ng establisyimento basta’t hindi lalagpas ang discounts sa remittance fees sa P24,000 bawat OFW kada taon.
Dagdag pa rito ay ipinagbabawal ng panukala ang pagtataas ng kasalukuyang remittance fees nang walang konsultasyon sa Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).