50% discount sa service charge sa OFW remittances, lusot na sa komite

Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang panukalang magbibigay ng diskwento sa ipinapadalang remittances ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa kanilang mga pamilya sa bansa.

Sa virtual meeting ng komite, tinukoy ni Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales, may-akda ng House Bill 826, na malaki ang nawawala sa budget ng mga pamilya ng OFWs sa bansa dahil sa mataas na charges na ipinapataw ng mga financial at non-bank financial institutions sa remittances.

Sa ilalim ng amendments na inilatag ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, inaatasan ang mga financial at non-bank financial intermediaries na otomatikong bigyan ng 50% discount na service fee ang money remittances na ipinapadala ng mga OFW gaano man kalaki ang halagang ito.


Nakasaad din sa panukala na maaaring i-claim ng mga financial at non-bank institutions ang diskwentong ibinigay sa OFW remittances bilang kaltas sa buwis dahil ituturing itong mahalagang gastusin na ibabawas sa kanilang kabuuang kita sa isang taon.

Hindi naman dapat lalagpas sa P24,000 kada OFW ang ibabawas sa gross income ng mga establisyementong nagbibigay ng discounts sa remittance fees sa bawat taxable year.

Ipinagbabawal din ang biglang pagtataas sa singil ng remittance charges sa lahat ng mga financial at non-bank intermediaries lalo na kung ito ay hindi dumaan sa konsultasyon ng Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Facebook Comments