Inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na tinatayang nasa 50 hanggang 100 iligal na POGO ang nag-o-operate pa rin sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, inamin ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na mas nahihirapan silang matunton at maipasara ang mga iligal na POGO na naging underground na ang operasyon.
Dahil dito, kailangan umano ang pakikipagtulungan ng iba pang ahensya ng pamahalaan para sa whole-of-government fight laban sa POGO.
Nagpapasaklolo na rin ang PAOCC sa publiko na maging mata at tenga ng gobyerno, at hinikayat silang isumbong ang mga iligal na aktibidad, kabilang na ang kahina-hinalang presensya ng maraming dayuhan sa kanilang lugar na hindi naman mga turista.
Samantala, sinabi naman ni Casio na bumaba na sa mahigit 30 ang bilang ng mga ligal na internet gaming licensees o IGL, at walang problema rito dahil sumusunod ang mga ito sa direktiba ng pangulo na ihinto ang kanilang operasyon sa pagtatapos ng taon.