Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na kalahati pa ng mga fully vaccinated healthcare workers ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang booster shot.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 95 percent ng mga health workers sa bansa ang nakakumpleto na sa bakuna.
Pero nasa 49.07 percent lang sa mga ito ang tumanggap na ng booster shot.
Sinabi naman ni DOH-Technical Advisory Group Member Dr. Anna Ong-Lim, ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 ang posibleng dahilan kung kaya’t marami ang hindi na rin nagpapa-booster.
Batay sa National COVID-19 Vaccination Dashboard, 2.9 million individuals sa ilalim ng A1 category ang fully vaccinated kung saan 1.3 million dito ang nakapagpaturok na ng kanilang booster dose.
Hanggang nitong April 21, mahigit 67.3 milyong Pilipino na ang kumpleto ng COVID-19 vaccines pero 12.7 million lamang dito ang nakapagpa-booster na.