
Pinuri ng dalawang mambabatas ang utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na bigyan ng 50-porsentong diskwento sa pamasahe sa Metro Rail Transit o MRT 3 at Light Rail Transit o LRT 1 at 2 ang mga estudyante.
Para kay Bacoor, Cavite Second District Representative Lani Mercado-Revilla, malaking tulong ito sa pagsisikap na mabigyan ng access para sa dekalidad na edukasyon ang mga kabataang Pilipino.
Ayon kay Rep. Lani, sa gitna ng malaking gastos sa pag-aaral ay malaking tulong sa mga mag-aaral at kanilang pamilya ang pinalawig na diswkento sa MRT at LRT.
Para naman kay Navotas Representative Toby Tiangco, ang 50% discount sa train rides ay isang napakagandang welcome gift para sa mga estudyante sa simula ng kasalukuyang school year.
Diin pa ni Tiangco, isa rin itong malinaw na mensahe mula kay President Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para tulungan ang mga mag-aaral na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.









