500 ESTUDYANTE SA CALASIAO, NAKATANGGAP NG EDUCATIONAL ASSISTANCE; PROSESO, UMABOT SA PAGDUDUDA NG ILAN

Nasa 500 mag-aaral sa bayan ng Calasiao ang nakatanggap ng educational assistance mula sa opisina nina Sen. Alan Cayetano at Sen. Pia Cayetano sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan noong Setyembre 30, 2025.
Ayon sa LGU, dumaan sa screening ang mga benepisyaryo bago mabigyan ng tulong, subalit nilinaw na hiwalay pa rito ang sariling Scholarship Program ng Calasiao na nasa screening at selection stage pa lamang.
Gayunpaman, ilang residente ang nagpahayag ng pangamba sa naging proseso.
Para sa kanila, hindi malinaw kung paano pinili ang mga benepisyaryo at kung bakit hindi ito naipabatid nang mas maaga sa publiko.
May pananaw din na dapat ay nagkaroon ng bukas na anunsyo o aplikasyon upang lahat ng estudyante, lalo na ang mga higit na nangangailangan, ay nagkaroon ng patas na pagkakataon na makasali.
Patuloy pang hinihintay ang opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan hinggil sa usapin.
Facebook Comments