Siniguro ng Commission on Elections o COMELEC na may 500 mga kaso ng premature campaigning ang kanilang maisusulong para mapatanggal sa listahan ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa Bagong Pilipinas, sinabi ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na ang bilang na ito ay mula sa kabuuang 4,000 mga reklamo na kanilang napadalhan na ng subpoena para pagpaliwanagin.
Sinabi pa ng opisyal na sa kaso ng maagang pangangampanya o anti-epal complaints, may kapangyarihan ang komisyon na mabilis itong masolusyunan.
Una rito aniya ay ang magiging hakbang laban sa mga kinasuhan ay para ma-disqualify sila sa pagtakbo.
Kung ma-disqualify aniya ang sinumang tumatakbo sa BSKE, awtomatiko silang tatanggalin sa listahan ng mga kandidato bago pa man dumating ang araw ng eleksyon.
Sinabi pa ni Laudiangco, araw-araw ay nag-iikot sila ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia para mag-inspeksyon kung saan-saang mga lugar pa sa bansa ang mayroong mga illegal campaign material na nakabalandra at ito ay kabilang sa kanilang pinadadalhan ng subpoena.