Iminungkahi ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin na maglaan ang gobyerno ng PHP500 million na pambili at produksyon ng mga COVID-19 test kits sa bansa.
Hiniling ni Garbin sa DBM na bigyang otorisasyon ang paglalabas ng inisyal na P250 Million para sa purchase at production ng mga testing kits at iba pang supplies and equipment.
Hiwalay pa ito sa PHP250 Million na gagawing standby funds na agad ding magagamit sakaling lumala ang sitwasyon.
Inirekomenda rin ni Garbin sa pamahalaan na pairalin ang diplomatic connections sa mga bansa sa Europa, Asya, at Australia na mayroong advanced na medical research systems at infrastructures na maaaring makuha at makatulong sa bansa.
Ayon kay Garbin, naiintindihan naman sa ngayon na hirap ang pagkuha ng supplies ng COVID-19 testing kits at batid na isinasailalim pa sa field-test ang na-develop na testing kits ng University of the Philippines (UP).
Nababahala si Garbin na maaaring maikalat lalo sa mga probinsya ang COVID-19 sa halip na makontrol lamang sana ito sa Metro Manila kasunod ng exodus sa labas ng National Capital Region (NCR) bago pa man naipatupad ang lockdown.