Sasalubungin bukas ng tinatayang nasa 500 na urban poor ang nasa 309 na katutubo na naglakad mula sa mga bayan ng Real, Infanta at Nakar bilang bahagi ng kanilang Alay Lakad kontra Kaliwa Dam.
Una nang dumating sa Marikina ang mga katutubo at magmamartsa sila bukas patungong Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) bago didiretso sa Malacañang.
Mamayang alas-6:00 ng gabi ay sasalubungin ng mga grupong maralita ang mga katutubo sa Ateneo de Manila University kung saan magkakampo ang mga ito sa buong magdamag.
Bukas ay tutulak ang mga ito sa Welcome Rotonda.
Magkakaroon din ng salubungan ang iba pang urban poor sa Sto. Domingo Church bago sasama sa mga katutubo patungong Malacañang.
Nais ng mga katutubo na ipahinto sa pamahalaan ang konstruksyon ng naturang dam dahil sisirain nito ang kanilang lupaing ninuno.
Ginawa nila ang martsa bilang bahagi ng paggunita sa World Day of Social Justice.