500 pisong sabsidiya sa mga kumikita ng minimum wage, isinusulong ng grupo ng manggagawa

Manila, Philippines – Bukod sa umento sa sahod, ihihirit na rin ng grupo ng mga manggagawa ang P500 subsidiya sa pamahalaan para sa mga kumikita ng minimum wage.

Ayon kay Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Vice President Louie Corral, ito ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at pagbaba naman ng halaga ng sahod.

Sa kasalukuyan, P491 kada araw ang minimum wage sa Metro Manila.


Pero ayon sa ALU-TUCP, bumagsak na sa P361.30 ang tunay na halaga nito o ang purchasing power na mas mababa sa poverty threshold level na itinakda ng National Economic Development Authority noong 2015.

Nabatid kasi na P399 kada araw ang pinakamababang halaga ng isang pamilyang may limang miyembro para mabuhay.
Dagdag pa ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, bukod sa P500 subsidiya mula sa Office of the President, isusulong din ng grupo ang P157 minimum wage increase mula naman sa mga employer.

Pero ayon kay Employers Confederation of the Philippines President Donald Dee, makakasama sa ekonomiya ng bansa ang mga hindi makatwirang hirit ng ALU-TUCP.

Ayon naman sa DOLE, pag-aaralan pa nila ang hiling ng grupo dahil makaling pondo ang pinag-uusapan dito.

Sa Mayo a-uno, magkakaroon ng labor conference si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga labor group at mga kinatawan ng mga employer kung saan inaasahang magkakaroon ng magandang kasunduan sa pagitan ng mga grupo.
DZXL558

Facebook Comments