5,000 live hogs, dumarating na sa Metro Manila kada araw mula sa mga surplus area sa Mindanao at Visayas

Sobra-sobra na umanong buhay na baboy ang dumarating sa Metro Manila kada araw kung kaya’t walang dahilan na tumaas ang presyo ng karneng baboy sa pamilihan.

Ginawa ng Department of Agriculture (DA) ang pahayag sa bisperas ng pagtanggal na sa price cap sa lokal na karneng baboy.

Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Undersecretary Ariel Cayanan na kahapon ay naitala sa 5,321 live hogs ang nai-deliver sa National Capital Region (NCR) galing Visayas at Mindanao.


Mas mataas aniya ito sa 4,000 live hogs na pangangailangan ng Metro Manila sa isang araw.

Pinakamaraming naisuplay na buhay na baboy ang Iloilo, Capiz at Antique na nagdala ng 1,300 live hogs.

Idiniretso naman ito sa slaughter houses sa Malabon, Novaliches, Quezon City at sa Meycauayan at San Ildefonso sa Bulacan.

Target ng DA na mapatatag ang suplay at presyo ng karneng baboy upang makapag-ambag sa pagpapahina ng galaw ng inflation rate sa buwan ng Abril.

Facebook Comments