Aabot sa 5,000 adverse effects ang naitala sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination sa mga health workers sa Pilipinas.
Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., kasabay ito ng pag-abot sa ikatlong linggo ng vaccine rollout sa bansa.
Wala naman aniyang naitalang malalang adverse effect dahil karaniwan lamang ang lagnat matapos mabakunahan na normal sa mga natuturukan.
Paliwanag pa ni Galvez, sa ngayon ay 240,497 na ang bilang ng mga health workers na nabakunahan.
Aminado naman ang kalihim na binagalan nila ng kaunti ang proseso ng pagbabakuna para makitang mabuti ang adverse effect ng COVID-19.
Sa ngayon, pagbabahagi pa ni Galvez nakikipag-usap na rin ang gobyerno sa Serum Institute of India (SII) para sa pag-aaralan ng posibleng lokal na produksyon ng bakuna sa Pilipinas.
Kasunod ito ng paglagda ng bansa sa supply agreement para sa 30 million doses ng COVID-19 vaccine ng kompanyang Novavax na inaasahang darating sa bansa sa ikatlo o sa huling quarter ng taon.