Pinarerekonsidera ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang 5,000 na annual limit sa mga bagong hire na healthcare workers na pinapayagang magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ng Vice Chairman ng Committee on Health na mas na-eexploit sa panganib ng COVID-19 pandemic ang mga Pinoy health workers na nagtatrabaho sa abroad.
Aminado naman si Defensor na wala naman talagang dahilan para pigilan ang mga health professionals ng bansa na mag-abroad lalo pa’t hindi naman sapat ang kanilang kinikita rito.
Sa kabila nito ay iginiit naman ng kongresista na kailangan pa ring bigyang pansin ng estado ang tungkulin nitong iangat ang pamumuhay ng mga Pilipino kasama na rito ang mga healthcare workers at kanilang mga pamilya.
Tinukoy pa ng mambabatas na batay sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang mga nurses ang pinakamalaking grupo ng mga health workers na umaalis ng bansa kada taon.
Bunsod nito ay pinamamadali ni Defensor ang pagpapatibay sa House Bill 7933 na layong doblehin sa ₱60,901 ang entry-level monthly pay ng mga government nurses upang hindi na mapilitan ang mga ito na mangibang bansa.