5,000 deployment cap, para lamang sa mga new hire healthcare workers; Mas maayos na pasahod at benepisyo sa mga nurse, pangunahing dahilan ng kanilang pag-aabroad – PNA

Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na para lamang sa mga new hire healthcare workers ang 5,000-deployment cap na ipatutupad ng pamahalaan.

Kasunod ito ng apela ng ilang grupo ng mga nurse na alisin ang limitasyon sa bilang ng  health workers na papayagang makapag-abroad kada taon.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, ang medical workers na babalik sa kanilang trabaho abroad ay papayagang makalabas ng bansa.


Maaari rin namang palawakin ang cap sakaling bumaba na ang insidente ng pandemya.

Ayon sa kalihim, nais lang matiyak ng gobyerno na hindi darating ang bansa sa panahong kapag lumala ang COVID-19 ay nasa ibang bansa na ang mga Filipino healthcare workers.

Katwiran pa niya, mas kinukuha ng mga dayuhan ang mga highly-skilled at mayroong karanasan kaya posibleng puro baguhan ang maiwan sa Pilipinas.

Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni Philippine Nurses Association National President Dr. Rosie De Leon na bagama’t prayoridad dapat ang mga kababayan lalo ngayong panahon ng pandemya, nauunawaan niya na nais lang ng mga Pinoy na magkaroon ng mas magandang kita sa abroad para na rin sa kanilang pamilya.

“Kasi po, they also want to have a decent life not only to themselves but also to their family. And isa pa po na pinakamaganda rito, sa ibang bansa po, sa US, ang mga efforts po ng mga nurses natin are being recognized. Kasi ang Filipino nurses po are really the choice of the world,” ani Dr. de Leon.

Aminado naman si Bello na mahihikayat na manatili sa bansa ang mga nurse kung matataasan ang kanilang sahod.

Facebook Comments