Maaaring alisin ng pamahalaan ang 5,000 cap sa deployment ng health care workers abroad kapag nagkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang overseas deployment ng nurses at iba pang health workers abroad simula Enero ng susunod na taon, pero may limit lamang na 5,000 kada taon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inilagay ang limit para sa mga health care workers na nais magtrabaho sa ibang bansa dahil sa pandemya.
Nais lamang na matiyak ng pamahalaan na may sapat na medical workers sa bansa.
Sumang-ayon aniya si Pangulong Duterte na bawiin ang deployment ban ng health workers dahil sa bumababang kaso ng COVID-19 at sa nalalapit na pagtuklas sa bakuna.
Batid ng Pangulo na panahon na hayaan ang mga health care workers na ituloy ang kanilang trabaho.