5,000 hanggang 6,000 bagong kaso ng COVID-19, posibleng maitala sa bansa sa katapusan ng Marso – OCTA

Nagbabala ang OCTA Research Group ng mas mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa grupo, umakyat sa 1.66 ang reproduction rate ng COVID-19 sa Metro Manila sa nakalipas na linggo.

Ito ay makaraang makapagtala ng 1,025 new cases sa NCR mula February 28 hanggang March 6 na 42% na mas mataas kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang linggo at 130% na pagtaas kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.


Ayon sa OCTA Research, July 2020 nang huling makitaan ng ganitong pagtaas ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Tinukoy nito ang pagtaas ng kaso sa Metro Manila noong March 6 kung saan nakapagtala ng 1,464 new cases.

Ang kasalukuyang pagsipa sa kaso ay mas mabilis din kaysa sa surge na naranasan noong Hulyo hanggang Agosto ng nakaraang taon.

Ito ay posibleng dahil anila sa Coronavirus variants na na-detect sa bansa.

Samantala, umakyat din sa average 8% ang positivity rate sa NCR sa nakalipas na pitong araw habang ang nasa 44% na ang hospital bed occupancy rate at 53% ang ICU occupancy rate.

Kaugnay nito, nagbabala rin ang OCTA na posibleng makapagtala ang NCR ng 2,000 bagong kaso ng COVID-19 kada araw pagsapit ng March 21 at 3,000 bagong kaso kada araw pagsapit ng March 31.

Nakikita namang aabot sa 5,000 hanggang 6,000 new cases per day ang maitala sa buong bansa sa katapusan ng Marso.

Facebook Comments