
Tiniyak ni Zia Alonto Adiong, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at kinatawan ng Lanao del Sur, na babaguhin ng Anti-Political Dynasty Bill ang landscape ng politika at pamamahala sa Pilipinas.
Ayon kay Adiong, aabot sa 5,000 posisyon sa national at lokal na pamahalaan ang mababakante kapag naisabatas ang House Bill No. 8389 o ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Diin ni Adiong, upang matiyak na nakabatay sa solidong ebidensya ang panukalang inaprubahan ng komite, nakipagtulungan sila sa Socioeconomic Research Bureau (SERB) sa ilalim ng Congressional Policy and Budget Research Department ng House of Representatives of the Philippines.
Ayon pa sa kanya, pinag-aralan ng SERB ang election data mula sa Commission on Elections (COMELEC) na sumasaklaw sa mga provincial, district, at municipal positions. Lumabas sa pag-aaral na 54% o 9,852 mula sa 17,983 local-level positions ay okupado ng mga miyembro ng political dynasty.
Tinukoy din ni Adiong na tugma ang nasabing assessment sa datos ng League of Municipalities of the Philippines na nagpapakitang 61% o 917 sa 1,493 alkalde sa bansa ay may immediate o extended family members na may hawak ding elective office.










