Target ng pamahalaan na makapagsagawa ng COVID-19 Test sa 50,000 indibidwal kada araw sa Hunyo.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, bahagi ito ng planong makamit ang testing sa dalawang porsyento ng kabuoang populasyon sa bansa.
Ibig sabihin, mula sa higit 100 milyong populasyon sa bansa, target nilang maisalang sa test ang nasa dalawang milyong tao.
Ang mga ‘epicenters’ tulad ng Metro Manila, nasa 10 hanggang 12% ng mga residente ang kailangang i-test.
Bukod dito, sinabi rin ni Dizon na plano ring itaas ang bilang ng accredited testing laboratories mula sa kasalukuyang 35 hanggang 66 pagdating ng May 31, 2020.
Sa ngayon, nasa higit 207,000 indibidwal pa lamang ang sumasailalim sa COVID-19 test sa buong bansa, batay sa datos ng online tracker ng DOH.