50,000 manggagawa, nawalan ng trabaho dahil sa implementasyon ng terminal exchanges scheme

Halos 50,000 drivers, konduktor at support staff ng Nagkaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. (NSNPBPI) ang nawalan ng trabaho dahil sa implementasyon ng terminal exchanges scheme.

Sa ilalim kasi ng terminal exchanges scheme ang mga pasaherong mula sa Central at Northern Luzon ay hanggang Philippine Sports Arena sa Bocaue, Bulacan na lamang o sa Valenzuela City Gateway Terminal at hindi na sila papayagang makapasok sa Metro Manila.

Habang ang mga pasaherong naman mula Mindanao, Visayas at Southern Luzon ay hanggang SM Sta. Rosa sa Laguna o sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Paranaque City na lang.


Ayon kay Gerry Danila, Union President, dahil sa pagbabagong ito, nabawasan ang mga bus na bumibiyahe dahil para mawalan ng trabaho ang nasa 50,000 manggagawa sa transport sektor.

Sinabi rin ni Danila na maging ang mga commuter ay hirap din sa ipinatupad na terminal exchanges scheme dahil kinakailangan pa nilang lumipat ng dalawa o tatlong sakay bago makarating sa kanilang destinasyon.

Kaya napipilitan aniyang gumastos ng malaki o kaya ay mag-taxi ang mga commuter.

Bunsod nito, panawagan ni Danila sa pamahalaan, payagan nang unti-unting makapasok sa National Capital Region ang mga provincial buses lalo na’t gumaganda naman na ang sitwasyon sa bansa sa COVID-19.

Una nang inihayag ni Federation President Alfredo Pullarca na bukas silang makipagtulungan sa pamahalaan para matiyak na maayos na naipapatupad ang health and safety protocols sa transport sector.

Facebook Comments