50IB at NPA, Nagkasagupa

180

Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, isabela– Nagkasagupa ang puwersa ng 50IB at NPA sa Sitio Matayog, Barangay Baay, Pinukpuk, Kalinga kahapon ng umaga ng Enero 23, 2018.

Sa report na nakuha ng RMN News Cauayan mula kay Army Captain Jefferson Somera, ang pinuno ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5ID, PA, ang naturang labanan ay nagresulta sa pagkakasakripisyo ng buhay ng dalawang sundalo at pagkakasugat ng dalawa pa.


Pinaniniwalaan naman ng hanay ng militar na nagkaroon din ng casualty ang mga kumunistang kanilang nakasagupa.

Ayon kay LTC Martin S Daiz Jr, Commanding Officer ng 50IB, rumesponde ang kanyang tropa dahil sa iniulat na pangingikil umano ng mga NPA sa naturang lugar na pinangyarihan ng labanan.

Agad namang ipinag-utos ni BGen Perfecto M Rimando, ang commanding general ng 5ID na agad ipadala sa pagamutan ang mga nasugatang sundalo. Kanya ring inatasan ang kanyang tropa na magsagawa ng pagtugis sa mga kumunista.

Kanya pang binanggit ang mga katagang: “There will be no let up in our operations in Kalinga Province until the last CNT is either neutralized or has yielded to the government.”



Kasabay nito ay ipinapaabot ng heneral ang kanyang kalungkutan at simpatiya sa pamilya ng mga namatay na sundalo sa kanilang pag-aalay sa kanilang buhay upang ihatid lamang ang serbisyo sa mga mamamayan ng Kalinga.


Idinagdag pa niya na lahat ng benepisyo mula sa gobyerno ay matatanggap ng kanilang pamilya sa lalong madaling panahon.

Hindi pa binibigay ng pamunuan ng Philippine Army ang pangalan ng namatay at sugatan habang hindi pa ito ibinabalita sa kanilang mga kaanak.

Facebook Comments