Opisyal nang binuksan ang ika-50 Top Level Management Conference ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas ngayong umaga sa Taal Vista Hotel sa Tagaytay City na may temang “upholding trust and credibility.”
Ito ay isang taunang pagtitipon ng mga pinakamataas na pamunuan ng radio at TV station na miyembro ng KBP para talakayin ang mga pinakabagong trend at inobasyon sa pagbabalita at magsilbing isang forum ng mga usaping kinahaharap ng media industry sa panahon ng misinformation, pagkalat ng pekeng balita, at hindi tamang paggamit ng social media.
Sa pagsisimula ng pagtitipon, nagbigay ng welcome remarks sa mga delegado ang Chairman ng conference ngayong taon na si KBP Board of Trustees Executive Vice President Mr. Butch Canoy.
Ayon kay Mr. Butch Canoy, kumpiyansa siyang magiging matagumpay ang conference at magiging kapana-panabik ang mga aktibidad lalo na at ito’y dadaluhan ng mga top notch na resource speaker.
Samantala, magiging keynote speaker din sa pagtitipon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang KBP ay binubuo ng mahigit 100 member networks at higit 1,000 radio at tv stations sa buong bansa.