Iniulat ni Philippine Embassy Charge d’ Affaires to Kuwait Charleson Hermosura na umaabot na sa 51 Filipino sa Kuwait ang tinamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Hermosura na malungkot na balita dahil sa nasabing bilang, dalawa na ang naitalang nasawi.
Ayon pa sa opisyal, marami rin tayong mga kababayan sa Kuwait ang ‘no work, no pay’ sa ngayon kaya’t patuloy nilang inaasikaso ang ayuda sa mga ito sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) AKAP Program kung saan pagkakalooban sila ng 200 dollars.
Sa ngayon, nasa higit 18,000 na ang aplikasyon para sa nasabing programa at ang nabibigyan ng tulong pinansyal ay nasa higit 3,600 na mga OFWs.
Nakapagpamahagi na rin aniya sila ng 14,000 food packs habang nakatanggap na rin ang Embahada ng 79 repatriation request kung saan ninanais ng ilan nating mga kababayan na muling makabalik dito sa Pilipinas.