51 sa 118 na police personnel na nagmula sa Police Station-3 ng Quezon City Police District (QCPD), ang nagpositibo sa COVID-19 at pinag- duty pa sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong balitaan sa Kampo Karingal, sinabi ni QCPD Director PBGen. Antonio Yarra na batay sa deployment record ng Talipapa Police Station mula sa 51, 41 sa mga ito ay nai-deploy sa UP Kinetics, kung saan 26 sa mga ito ay nagpositibo.
Sa tanong ng media kung bakit ipinakalat pa sa SONA ang mga pulis na pending ang resulta ng kanilang RT-PCR test noong July 23, sagot ni Yarra na nagkumpiyansa sila dahil bukod sa mga bakunado na ay walang sintomas ang mga pulis.
Hindi naman matiyak ni Yarra kung nakahawa noong SONA ang mga pulis dahil kalat-kalat ang mga ito.
Aantayin na lang aniya nila ang resulta ng ginagawang contact tracing ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Maliban sa Police Station-3, nakapagtala rin ng tig-tatlong COVID-19 positive cases sa Police Station 9 at 11.
Inilipat naman sa jail facility sa Kampo Karingal ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) na nasa kustodiya ng Police Station 3.
Pansamantala namang hahalili sa puwersa ng Police Station 3 ang mga pulis na nakatalaga sa District Mobile Battalion at standby unit ng QCPD .