51,000 indibidwal, napilitang lumikas dahil sa patuloy na mga aftershocks matapos ang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon; Bilang ng naitalang nasawi, nananatili sa 11!

Umaabot sa 51,000 indibidwal ang napilitang lumikas matapos ang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon noong July 27.

Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal ang mga naturang indibidwal ay takot pang bumalik sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na nararamdaman na mga aftershocks.

Aniya, nasa 21 na evacuation centers ang ginagamit sa ngayon ng mga biktima ng lindol.


Dagdag pa ni Timbal, halos nasa 450,000 ang mga apektadong indibidwal na karamihan ay nasa Cordillera Administration Region (CAR) at Ilocos Region.

Kinumpirma rin ni Timbal na nananatili sa 11 ang bilang ng mga nasawi, nasa mahigit 500 ang naitalang sugatan at wala namang naitalang nawawala.

Umabot na rin sa ₱116 milyon ang tulong na naipagkaloob sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Northern Luzon.

Inihayag din ni Timbal na 33,851 na bahay ang nasira dahil sa lindol kung saan 565 ang totally damage.

Habang nasa ₱1.3 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura at ₱55.9 milyon naman sa agrikultura.

Sa ngayon ay nasa 27 bayan at siyudad na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa magnitude 7 na lindol.

Facebook Comments