52-anyos na kahera na naglalakad nang 6 milya sa trabaho, binigyan ng kotse

Isang kahera sa Louisiana, United States ang binigyan ng sasakyan ng isang car dealer sa lugar, matapos mag-viral ang storya nitong naglalakad nang anim na milya para lang makapasok sa trabaho.

Maraming bumilib kay Anita Singleton, kahera sa Walmart, nang ibahagi ni Slidell Police Officer Brad Peck sa Facebook ang kuwento ng 52-anyos na kahera matapos niya itong mamataang naglalakad papuntang trabaho, May 20, bandang alas singko ng umaga.

Sa kuwento ni Peck, inakala niyang sa kalapit na Walmart lang papunta si Singleton, kaya naman ikinagulat niya nang malamang malalayo-layo pa ang lalakarin nito at inalok nang sumakay.


Dagdag niya, buong byahe silang nakapag-usap ng kahera tungkol sa buhay, mga aral nito, maging hanggang sa pananampalataya.

Ipinost ng police department ang salaysay na ito hanggang sa mag-viral sa Facebook, umabot sa balita, at makuha ang atensyon ng isang car dealer na nagngangalang Matt Bower.

Nang mabalitaan ang storya ni Anita, napagdesisyunan ni Bowers na bigyan siya ng sariling kotse — sagot din pati tax, titulo, at insurance.

“I made the decision that it was the right thing to do on behalf of the community to give Anita Singleton a car – and car insurance and pay for the tax and registration so she can spend more time with her friends and family instead of spending it walking to work each day,” ani Bowers sa report.

Nabanggit ni Peck na mula 4:30 ng umaga ay naglalakad na si Anita para makapasok nang 7:00 AM.

Malaki naman ang pasasalamat ng kahera na nahirapan pang mamili kung anong kulay ng SUV ang tatanggapin.

“I am so deeply grateful for the good Lord to send officer Peck to pick me up… I’m so grateful to Mr. Bowers and his fine organization. I am so grateful for everything that God has graced me.”

Facebook Comments