Naisumite na ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) ang 52 case file o dokumento ng mga ebidensya para makatulong sa imbestigasyon sa madugong operasyon laban sa drug war ng pamahalaan.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, may kinalaman ang mga kaso sa imbestigasyon kaugnay sa pananagutang administratibo ng mga pulis sa mga anti-illegal drug operation.
Maliban sa PNP, 107 na case file rin ang isinumite ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mabusisi ng DOJ.
Una nang binigyan ng access ng PNP ang DOJ sa 61 case file na kailangan nito sa imbestigayon.
Gayunman, naudlot ang pagbabahagi ng walong case file dahil nakasalang pa sa pag-apela.
Nabatid na binubusisi ng DOJ panel ang 5,655 na anti-drug operation na nagresulta sa pagkamatay ng mga drug suspect para matukoy kung may batayan para kasuhan ang mga nasasangkot na pulis.