52 kaso ng Delta Variant, Naitala sa Region 2; Bilang ng Tinamaan ng Delta sa Isabela, 22 na

Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng karagdagang 52 kaso ng Delta variant ang buong Lambak ng Cagayan ngayong araw, Setyembre 13, 2021.

Ito ang inilabas na datos ng Department of Health (DOH) region 2 kung saan isa ang rehiyon dos sa may pinakamaraming bilang ng mga naitalang kaso sa bansa.

Ayon sa report ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), nakapagtala ng labing-dalawa (12) kaso ang Cagayan na kinabibilangan ng mga bayan ng Alcala (3), Aparri (1), Baggao (4), Iguig (3), at Tuguegarao City (1); Nueva Vizcaya na mayroong naitalang sampung (10) kaso mula sa Aritao (2), Bagabag (1), Bambang (1), Bayombong (4), Dupax del Norte (1) at Kasibu (1).


Nakapagtala rin ng kaso ang lalawigan ng Quirino mula sa mga bayan ng Aglipay (2), Cabarroguis (1), Diffun (3) at Maddela (2).

Kaugnay nito, maraming bilang ang naitala naman sa lalawigan ng Isabela kung saan umabot ito sa kabuuang dalawampu’t dalawang (22) kaso kung saan mula sa City of Santiago (10), Jones (1), Quezon (1), Ramon (1), San Agustin (3), San Isidro (1), San Manuel (1), San Mateo (3) at Santo Tomas (1).

Ayon sa ahensya, pawang local cases at fully recovered na rin ang mga ito maliban sa kaso ng San Isidro at isa sa San Mateo na naitalang pumanaw mula sa sakit.

Dagdag sa report, may isang returning overseas Filipino worker (ROF) na nagkasakit at gumaling mula sa COVID-19 Delta Variant na may permanent address sa Echague,Isabela.

Patuloy ang masusing case finding at contact tracing na isinasagawa ng Special Action Team (SAT) ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU).

Facebook Comments