Iginawad ng National Housing Authority (NHA) ang 52 na pabahay sa mga pamilyang biktima ng lindol sa Cotabato.
Ang proyektong pabahay na nagkakahalaga ng ₱15 milyon ay matatagpuan sa Barangay New Caridad, Tulunan, kung saan ang bawat yunit ay may sukat na 27.5 sqm at binubuo ng sala, kwarto, kusina at banyo.
Ang 52 na pabahay ay bahagi ng kabuuang target na 517 na mga unit na ipinagkaloob para sa lahat ng pamilyang biktima ng lindol mula sa apat pang barangay sa Tulunan: Magbok (122), Paraiso (140), Daig (140), at Batang (63).
Sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV), patuloy ang NHA sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) bilang pagsasakatuparan ng inisyatibo nitong magpatayo ng mga de-kalidad, disaster-resilient at malayo sa mga delikadong lugar na pabahay para sa mga pamilyang biktima ng mga kalamidad tulad ng lindol, bagyo at mga pagbaha.