Mahigit kalahating porsyento ng mga Pilipino ang willing na mabakunahan kontra COVID-19 kung mananatiling ligtas at epektibo ang mga bakuna.
Batay sa Tugon ng Masa National Survey ng OCTA Research group na isinagawa mula July 12 hanggang 18, 53% ng mga Pilipino ang nagsabing willing silang mabakunahan habang 16% ang tumanggi pa ring magpabakuna.
Sa datos ng mga willing, tumaas ito ng 34 puntos mula sa 19% na naitala rin ng OCTA noong January 2021 survey.
Bumaba naman ng 30 puntos ang porsyento ng ayaw pa ring magpabakuna mula sa 46% na naitala noong January.
Sa nasabing survey din, 18% ng mga Pilipino ang hindi sigurado at nag-aalangang magpabakuna na mas mababa ng 17 puntos sa 35% na naitala noong Enero.
Tinatayang nasa 1,200 mga Pilipino ang sumagot sa survey na nagmula sa Luzon, Visayas at Mindanao.