*Cauayan City, Isabela*- Ipinagmalaki ng kasundaluhan ng 54th IB sa ilalim ng 5th Infantry Division na nasa maayos silang kalagayan sa pakikipaglaban sa problema pagdating sa insurhensiya sa kanilang nasasakupan.
Una rito, ipinagdiwang ang ika- 34th Founding Anniversary ng 54th IB Magilas Troop sa Lalawigan ng Ifugao kanina.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Lt.Col. Narciso B. Nabulneg, Commander ng 54th IB Philippine Army, may kabuuang 21 na miyembro ng rebeldeng grupo ang sumuko mula sa tatlong lugar na kanilang nasasakupan at dahil na rin ito sa mahigpit na ugnayan ng kanilang hanay at mga stakeholders sa komunidad.
Ilan sa mga sumukong NPA ay mula sa Probinsya ng Nueva Vizcaya na may kabuuang tatlo (3), labing-isa (11) sa Ifugao, Pito (7) sa Mt. Province habang ang militia ng bayan na kanilang napasuko sa Ifugao ay umabot sa (93) katao, (40) sa Nueva Vizcaya at (14) mula sa Mt. Province.
Kaugnay nito, 32 ang kabuuan ng mga taga-suporta ng NPA ang pumanig sa hanay ng kasundaluhan ng 54th Infantry Batallion
Umabot naman sa 28 ang mga baril na isinuko ng mga rebelde na kinabibilangan ng 17 na matataas na kalibre ng baril.
Kasabay nito, iginawad ang ilang mga benepisyo ng mga nagbalik- loob sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na umabot sa labing-walong (28) benepisyaryo na pawang mga armado noon at ang iba ay Militia ng Bayan.
Dinaluhan ito ng ilang lokal na opisyal gaya ng PNP, BFP, at DSWD.