Umabot na sa 55 na batas ang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang regular na sesyon ng 18th Congress habang pito pa ang nakabinbin.
Batay sa datos na Senado, Ilan sa mga ito ay ang 50 taong prangkisa ng San Miguel Corporation (SMC) na magtatayo ng paliparan sa Bulacan at 15 pang broadcast franchise bills.
Kasama rin dito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, at COVID-19 Vaccination Program Act.
Pito pang panukalang batas ang naghihintay ng lagda ng Pangulo kung saan kasama rito ang pagpapababa ng height requirement ng mga pulis at iba pang uniformed personnel.
Nakabinbin naman sa bicameral conference committee ang batas na magbubuo ng Philippine Energy Research and Policy Institute; modernisasyon ng Bureau of Fire Protection; pagpapalawig ng hurisdiksyon ng second-level courts; at pinaigting na kumpirmasyon ng mga titulo ng lupa.
Dalawang committee reports naman ang inaprubahan ng Kongreso sa imbestigasyon ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation at red-tagging ng mga opisyal ng militar.
Sa ngayon, naka-break pa ang Kongreso at babalik sa Mayo 17.