
Pinalakas ng Police Regional Office 1 ang kampanya laban sa ilegal na droga matapos makapagtala ng malaking huli sa serye ng operasyon sa Ilocos Region mula March 8 hanggang 14, 2026.
Sa kabuuan, 55 indibidwal ang naaresto habang umabot sa ₱21,202,305.00 ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga kabilang ang shabu at marijuana.
Ayon sa ulat, nagsagawa ang mga operatiba ng 39 na anti-illegal drug operations sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon. Kabilang sa mga nasamsam ang 229.36 gramo ng shabu, 47.35 gramo ng tuyong dahon ng marijuana, 97,550 piraso ng fully grown marijuana plants, 1,005 gramo ng marijuana fruiting tops, at 255 gramo ng marijuana seeds.
Isa sa pinakamahalagang resulta ng operasyon ay ang pagkakadiskubre at pagkawasak ng malawakang taniman ng marijuana sa lalawigan ng Ilocos Sur, na itinuturing na malaking hakbang sa pagtukoy at pagbuwag sa pinagmumulan ng ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon kay PBGEN Dindo R. Reyes, nananatiling prayoridad ng kapulisan ang kampanya kontra droga dahil sa masamang epekto nito sa kapayapaan at kaayusan.
Dagdag pa ng pulisya, paiigtingin pa ang koordinasyon at intelligence operations upang tuluyang mapuksa ang ilegal na droga sa buong rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










