Si alyas “Ka Lito” na dating magsasaka mula sa Sitio Papalang ay nahikayat umano ng isang “Ka Freddie”, miyembro ng makakaliwang grupo na pinamumunuan ng isang “Ka Juancho” noong 1985.
Binubuo ang kanilang grupo ng higit kumulang 60 miyembro na nag-ooperate sa mga lugar ng Ifugao at Nueva Vizcaya sa nasabing taon.
Si alyas “Lito” ay nagtapos ng 1-year combat training sa Barangay Camandag na isa sa mga kailangang gawin nito para maging ganap na miyembro.
Dagdag dito, nanatili si “Lito” ng dalawang taon sa grupo na sangkot sa iba’t ibang engkwentro sa ilang lugar gaya ng Bolog, Lamut, Ifugao noong January 1986; Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya noong February 1986; Baguingey, Kiangan, Ifugao noong March 1986; at Kiangan Municipal Hall sa Kiangan, Ifugao.
Ayon sa Ambaguio PNP, malaki ang naging tulong ng anti-insurgency campaign sa ilalim ng mandato ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC) kung saan, marami ang nagbalik-loob sa pamahalaan.
Nagsanib pwersa ang mga kasapi ng Ambaguio Municipal Police Station kasama ang 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (PMFC); Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit; Regional Intelligence Unit; at 86 Infantry Battalion, Philippine Army sa pagmumulat kay alyas “Lito” na linisin ang kanyang pangalan mula sa dati nitong kinaaniban at magbalik loob sa pamahalaan.
Sa ngayon, ipinasakamay na sa 1st Nueva Vizcaya PMFC ang dating rebelde para sa kaukulang disposisyon.