Cauayan City,Isabela-Aabot sa 56 na pamilya ng katutubong Agta ang inaasahang makatatanggap ng pamaskong handog mula sa Sangguniang Kabataan ng Sta. Catalina sa lungsod ng Ilagan katuwang ang non-government organizations na Beagiver, Good Samaritan Ministry at ilang indibidwal.
Ito ay bahagi ng paghahanda para sa pagtatapos ng taong 2020 at ang pagsisimula naman ng Bagong Taon.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay SK Chairman Melvin Adurable, ipagkakaloob ang tulong mula sa Agta Community ng Brgy. Cabisera 10 sa City of Ilagan bukas, Disyembre 31.
Aniya, labis na naapektuhan ang pamumuhay ng mga katutubo ng maranasan ang malawakang pagbaha bunsod ng nangyaring magkakasunod na tumamang kalamidad sa malaking bahagi ng lambak ng Cagayan.
Dagdag pa ni Adurable, simpleng tulong na maituturing subalit malaki ang kahulugan dahil kailangan pa rin maipadama sa mga katutubo at ilang indibidwal ang pagmamahal sa kabila ng naranasang sakuna.
Samantala, mabibiyayaan rin ang nasa 150 batang Agta mula sa kanilang aktibidad.
Hinihimok naman ni Adurable ang iba pang grupo o indibidwal para sa mga nais magbigay ng donasyon upang maipaabot ang tulong sa mga taong higit na nangangailangan.