
Apat na buwan mula nang mag-umpisa ang pagsisid sa Taal Lake para hanapin ang labi ng mga nawawalang sabungero, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na patuloy na nakakarekober ng mga buto sa lawa.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hanggang nitong Martes, November 18 ay may mga panibagong kalansay na nakuha mula sa Taal Lake.
Maliban sa mga buto, may narekober din na mga damit, underwear at parte ng sako.
Bukod sa operasyon ngayong linggo, may iba pa raw na narekober ang mga tauhan ng PNP-CIDG sa mga hiwalay na araw.
Sa naturang lawa sinasabing itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero ilang taon na ang nakalipas, ayon na rin sa whistleblower na si Julie Patidongan.
Samantala, wala pang inilalabas na desisyon ang Justice Department sa kahihinatnan ng reklamo laban kina Atong Ang at mga kapwa nito akusado na itinuturong nasa likod umano ng pagkawala ng mga sabungero.









