![](https://i0.wp.com/rmn.ph/wp-content/uploads/2025/01/57-INDIBIDWAL-SA-TUMAUINI-NAGTAPOS-SA-TESDA-PROGRAM.png?resize=696%2C696&ssl=1)
CAUAYAN CITY – Matagumpay na nagtapos ang 57 benepisyaryo ng TESDA-Isabela Provincial Training Center (IPTC) sa bayan ng Tumauini, Isabela, sa isinagawang graduation ceremony kahapon, ika-28 ng Enero.
Kabilang sa mga nagtapos ay ang 19 sa kursong Driving NC II, 20 sa Dressmaking NC II, 7 sa Beauty Care Services, at 11 sa Bread & Pastry Production.
Sa mensahe ni Municipal Mayor Venus Bautista, kanyang ipinahayag ang taos-pusong pasasalamat kay Congressman Tonypet Albano dahil sa patuloy na suporta sa TESDA-IPTC at sa mga programang naglalayong magbigay ng mas maraming oportunidad sa mga residente ng Tumauini.
Pinuri rin ni Mayor Bautista ang Tumauini Stand Alone Senior High School, sa pamumuno ni Principal Inocencio Balag, para sa pakikiisa sa LGU-Tumauini Abot-Alam Program, at ang mga tagapag-sanay mula TESDA na nagsilbing gabay ng mga nagtapos.
Ang programang ito ay bahagi ng layuning mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga kababaihan at Out-of-School Youth, upang matulungan silang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.