Umabot sa 58 kaso ng firecracker-related injuries ang naitala sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa ulat ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO).
Sa kabila ng bilang ng mga nasugatan, nilinaw ng pulisya na wala namang naitalang nasawi sa mga insidenteng may kinalaman sa paputok.
Batay sa pinagsamang datos ng PNP at Department of Health (DOH), ang 58 nasugatan ay nagmula sa kabuuang 49 incident reports na naitala sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Ayon sa PPO, bagama’t may mga hiwa-hiwalay na insidente, nanatiling generally peaceful ang sitwasyon sa Pangasinan sa kabuuan ng selebrasyon ng Bagong Taon.
Pinuri rin ng kapulisan ang kooperasyon at disiplina ng mga mamamayan sa pagsunod sa mga alituntunin sa kaligtasan, na malaking ambag umano sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.
Dagdag pa ng PPO, bunga ng sama-samang pagsisikap ng PNP, mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya ang maayos na sitwasyon, kasabay ng pagtiyak na patuloy pang paiigtingin ang mga hakbang sa pag-iwas upang mas maging ligtas ang mga susunod na pagdiriwang.











