Manila, Philippines – Nakapagsumite na ng kontra salaysay ang 58 mula sa 59 na mga hinihinalang recruit ng Grupong Maute na naaresto nuong July 25, 2017 at nahaharap sa reklamong rebelyon.
Tatlumpu’t dalawa sa mga respondent ay naaresto sa Bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay sa isang checkpoint nuong July 25, 2017 habang sila ay sakay ng dalawang van.
Dalawampu’t pito naman sa mga respondent na kinabibilangan ng apat na menor de edad ay nadakip sa Zamboanga City nuon ding July 25.
Dalawang magkahiwalay na joint counter affidavit ang isinumite ng mga naaresto mula sa Ipil at sa Zamboanga City.
Nanindigan ang 58 respondents na sila ay naloko lamang ng isa pang respondent na si Nur Supian.
Naniwala anila sila kay Supian na sila ay nirecruit nito para maging kasapi ng MNLF at kalaunan ay para maging sundalo.
Katunayan, ibi-byahe raw sila dapat ni Supian patungo sa Camp Jabal Nur na kampo ng MNLF sa Lanao Del Sur para magsanay.
Hindi raw nila alam na ang pakay pala ng pagrecruit sa kanila ay para lumaban sa Marawi City.
Ang Public Attorneys Office ang kumatawan sa 58 respondent, at dahil idinidiin nila si Sufian, ipinaliwanag ng PAO na hindi nila ito maaring depensahan.
Samantala, binigyan naman ng pagkakataon ng panel of prosecutors si Supian para magsumite ng kontra salaysay hanggang sa Byernes, August 18, 2017.
Ang panig naman ng mga complainant na mula sa Western Mindanao Command o WESTMINCOM ay binigyan ng hanggang Myerkules o August 16 para magsumite ng karagdagang pleading o dokumento kabilang na ang iprisinita nilang certification mula sa MNLF na nagsasabing hindi nila mga myembro ng mga respondent.
Ang panig naman ng mga respondent at binigyan ng hanggang Byernes, August 18, 2017 para tumugon sa isusumiteng karagdagang dokumento ng WESTMINCOM.