5,980 public buildings sa NCR, na-inspeksyon na ng DPWH

Naisailalim na sa inspeksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nasa halos anim na libong mga pampublikong gusali sa National Capital Region (NCR).

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagtalima sa National Building Code, sinabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na 5,980 na mga public building sa Metro Manila ang na-inspeksyon na ng ahensya upang matiyak ang katatagan ng mga gusali sakaling tamaan ng malakas na lindol ang bansa tulad sa Turkiye at Syria.

Sa nasabing bilang, 4,047 ang mga paaralan, 351 ang health facilities, 1,180 ang iba pang public school buildings at 402 local government building.


Ayon kay Bonoan, tuluy-tuloy rin ang pagsusuri ng DPWH sa iba pang mga gusali at kapag may nakitang building na kailangan isailalim sa retrofitting ay kaagad nila itong isasailalim sa detalyadong engineering design.

Samantala, sinabi naman ni DPWH Usec. Maximo Carvajal, na sa mga nainspeksyon na gusali, 2,301 ang nangangailangan pa ng dagdag assessment ng structural engineers dahil sa ito’y “potentialy hazardous”.

Sinabi pa ni Carvajal na tumulong na rin ang World Bank sa pagpopondo ng mga public buildings na kailangang ayusin.

Aabot sa ₱2.3 billion ang naipondo ng gobyerno para sa retrofitting ng mga pampublikong gusali mula 2018-2022.

Facebook Comments