5ID, INIHAYAG ANG IMPLEMENTASYON NG MEMORANDUM ORDER NO. 36

Cauayan City — Ipinahayag ng 5th Infantry Division ang buong suporta sa implementasyon ng Memorandum Order No. 36 na binibigyan ng kapangyarihan ang National Amnesty Commission na mag-isyu ng Safe Conduct Pass (SCP) para sa mga rebeldeng nais magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng Amnesty Program.

Kaugnay nito, muling nananawagan ang 5ID sa mga miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA na iwanan na ang armadong pakikibaka at piliin ang kapayapaan, lalo na ngayong panahon ng Semana Santa.

Bilang tugon, handang magbigay ng Safe Conduct Pass ang 5ID para sa mga aktibong NPA na boluntaryong susuko at nais makasama ang kanilang mahal sa buhay sa panahon ng Mahal na Araw.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng 5ID sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maisulong ang mga programang pangkapayapaan at bigyang-daan ang pagbabagong-buhay ng mga dating rebelde bilang miyembro ng lipunan.

Facebook Comments