
CAUAYAN CITY – Pinangunahan ng 5th Infantry Division (5ID) ang pagsasagawa ng awareness campaign tungkol sa usaping West Philippine Sea at Communist Terrorist Group (CTG) recruitment.
Katuwang ng 5ID ang Isabela State University – San Mateo Campus sa pagsasagawa ng aktibidad, kung saan 600 mag-aaral ang lumahok.
Ibinahagi ni Lieutenant Colonel Melvin Asuncion, Commandant ng ISU-San Mateo ROTC Unit at key officer of the 5ID, ang mga estratehiya ng komunistang grupo para sa kanilang ginagawang recruitment.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga mag-aaral na maging mapagmatyag at maging matalino upang hindi mabiktima ng mga rebeldeng grupo.
Maliban dito, ipinalinawag din ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa pamamagitan ni Colonel Bernard Ragus, Director ng 202nd Community Defense Center (CDC) kung saan binigyang diin nito na makakatutulong ito sa mga estudyante na protektahan ang kanilang sarili at kapayapaan ng bansa.
Samantala, tinalakay rin ng kasundaluhan ang patuloy na isyu sa West Philippine Sea kung saan hinikayat din ang mga ito na maging mulat sa nangyayari sa soberanya ng ating bansa.