5th ID Philippine Army, Nagbigay pugay sa mga Sundalong Biktima ng Pagsabog sa Sulu; 2 Sundalo, tubong Rehiyon 2

Cauayan City, Isabela- Nakiisa ngayon ang pamunuan ng 5th Infantry (STAR) Division, Philippine Army sa pamilya ng mga nasawi sa halos dalawang magkasunod nap ag-atake ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) gamit ang Vehicle Borne Improvised Explosive Device (VBIED) sa Patikul, Sulu nitong Lunes, Agosto 24.

Ilan sa mga nasawi ang pitong (7) sundalo, isang (1) pulis at anim (6) na sibilyan habang 13 naman ang sugatan sa hanay ng kasundaluhan.

Pasado 11:55 ng umaga ng mangyari ang unang pagsabog sa isang tindahan sa Brgy Walled City Jolo, Sulu.


Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng otoridad, unang ginamit sa pagpapasabog ang Vehicle-Borne Improvised Explosive Device (VBIED) at sinundan ito ng isang bomba na pinaniniwalaang gawa ng isang babaemng suicide bomber na nangyari naman sa harap ng isang bangko pasado 1:00 ng hapon at tinatayang nasa 100- metro ang layo mula sa unang pinangyarihan ng insidente.

Nabatid na karamihan sa mga sundalong biktima ng pagsabog ay mula sa 21st Infantry Battalion na dating nasa ilalim ng 5ID PA at naitalaga lang sa Sulu hanggang sa permanenting kasapi na ng 11th Infantry Division noong Agosto 2019.

Napag-alaman din na may isang (1) sundalo ang nasawi mula sa Probinsya ng Cagayan at isa (1) sa Isabela habang isang (1) pulis ang nasawi rin na mula naman sa Probinsya ng Benguet, 11 sundalong sugatan ang mula sa Northern Luzon.

Sa kabila nito, nakikidalamhati si BGen. Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID sa mga pamilya ng nasawi sa pagsabog.

“Ang buong 5th Infantry (STAR) Division ay nagdadalamhati sa pangyayaring ito. Napakabigat sa damdamin bilang ama ng Division ang pangyayaring ito sa mga dating kasapi sa 5ID. Kami ay nakikiramay sa mga pamilya ng mga kasundaluhan, kapulisan at mga inosenteng sibilyan na nasawi at sa mga nasaktan at nasugatan sa pag-atake ng mga teroristang Abu Sayyaf. Hangad at dalangin naming mabigyan sila ng hustisya sa lalong madaling panahon.”

“Ang pamunuan ng 5ID ay nakahandang bigyan ng pagkilala ang mga nasawi sa kanilang pagdating. Nakahanda din tayong ipaabot ang anumang tulong sa pamilya ng mga biktima upang maibsan ang kanilang pagdadalamhati,” dagdag ni BGen Mina.

Facebook Comments