
Tinatayang nasa 6.7 bilyong cubic meters ng lahar sand mula sa Bulkang Pinatubo ang nananatiling banta sa tatlong bayan ng Zambales kung hindi agad mahakot at malinis ang mga river channel sa lugar.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR Central Luzon, posibleng magdulot ito ng malawakang pagbaha sa mga komunidad.
Ibinabala ni MGB Central Luzon Director Noel Lacadin sa pakikipagdayalogo niya sa mga beach resort owner na maaaring lumubog sa baha ang mga bayan ng San Felipe, San Narciso, at Botolan kapag dumaloy at umapaw ang lahar mula sa mga ilog na malapit sa bulkan.
Dahil dito, iginiit ni Lacadin ang pangangailangan ng tuloy-tuloy na dredging at paghahakot ng mga lahar sand upang hindi umapaw ang mga pangunahing daluyan ng tubig gaya ng Bucao River, Maloma River, Sto. Tomas River, at Pamatawan River.









