6 INDIBIDWAL ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON KONTRA KRIMINALIDAD SA PANGASINAN

Anim na indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa kriminalidad.

Naaresto ng Infanta Municipal Police Station, katuwang ang iba pang yunit, ang isang 48-anyos na construction worker at residente ng bayan na pansamantalang naninirahan sa Cavite.

Inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na may inirekomendang piyansang ₱120,000.

Sa Alaminos City, dalawang magkahiwalay na operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal.

Ang una ay isang 38-anyos na construction worker na naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape through sexual assault kaugnay ng Republic Act 7610, na may piyansang ₱10,000.

Ang ikalawa naman ay isang 62-anyos na lalaki na inaresto dahil sa tatlong bilang ng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o Bouncing Checks Law, na may inirekomendang piyansang ₱3,000 bawat kaso.

Samantala, sa bayan naman ng Rosales, inaresto ng Rosales Municipal Police Station ang isang 40-anyos na truck driver sa bisa ng alias warrant of arrest para sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries at damage to property, na may piyansang ₱36,000.

Sa Tayug naman, naaresto ang isang 40-anyos na construction worker sa bisa ng alias warrant of arrest para sa paglabag sa Republic Act 9287 o Illegal Gambling Law, na may inirekomendang piyansang ₱10,000.

Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng San Manuel Police Station sa Tarlac.

Sa huling operasyon, isang 28-anyos na service crew at residente ng Bayambang ang naaresto sa San Carlos City ng Malasiqui Police Station.

Inaresto ito sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610 o Sexual Abuse and Lascivious Conduct, na may inirekomendang piyansang ₱200,000 at ₱120,000.

Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang police stations para sa wastong dokumentasyon at disposisyon ng mga kaso.

Facebook Comments