6 Katao, Patay sa Sunog sa Isang Subdivision sa Santiago City!

*S**antiago City- *Patay ang isang mag-asawa, dalawang anak at dalawang pamangkin matapos sumiklab ang sunog sa inuupahang apartment bandang alas tres kaninang madaling araw partikular sa Greenland Homes Subd., Plaridel, Santiago City.

Sa impormasyong nakalap ng RMN Cauayan News, kinilala ang biktimang mag-asawa na sina Love love Boligor at Kin James Cabahog, kapwa nasa tamang edad, ang dalawang anak na sina kisha James, 3 anyos, Raven James, 5 anyos at ang dalawang magkapatid na pamangkin na kinilalang sina Mark Melborn Marcelino,13 anyos at Zedrick Lloyd Marcelino,16 anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Santiago City, electrical wiring ang kanilang nakikitang sanhi ng sunog subalit patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang talagang pinagmulan ng sunog.


Lumalabas rin sa kanilang pagsisiyasat na sinikap pang makalabas ng bahay ang mga biktima subalit na-trap at na-*suffocate* ang mga ito sa kanilang kusina dahil na rin sa kapal ng usok na dala ng sunog.

Bandang alas kwatro na kaninang madaling araw nang magdeklara ng fire out ang mga bumbero nang ganap na maapula ang apoy na tumupok sa konkretong apartment.

Kaugnay nito, naging emosyonal ang mga kapitbahay nang mailabas mula sa loob ng bahay ang magkakayakap na bangkay ng mga biktima.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP Santiago City hinggil sa naturang pangyayari.

Facebook Comments